Inaresto nitong Huwebes ng hapon sa harap mismo ng Numancia Municipal Police Station sa Numancia, Aklan ang isang Romblomanon na di umanoy suspek sa pamamaril sa apat na tanod ng Barangay Camansi Norte na nauwi sa pagkamatay ng tatlo rito.
Kinilala ni Police Senior Inspector Geo Colibao, Hepe ng Numancia PNP, ang suspek na si Kevin Cangson, 25-years old, at tubong Odiongan, Romblon ngunit naninirahan sa Numancia kasama ang kanyang live-in partner.
Ayon kay PSI Colibao, nasa police station umano si Cangson ng biglang ituro ng isa sa mga witness na siya umano ang isa sa mga suspek kaya agad itong inaresto ng pulisya.
Itinanggi naman ni Cangson ang paratang, aniya, nasa presinto siya upang linisin ang kanyang pangalan matapos lumabas sa ilang reports na siya umano ang isa sa mga sakay ng motorsiklo na pumatay sa tatlong tanod.
Aniya, wala umano silang kakayahang bumili ng baril para gamitin sa pagpatay. Nasa hotel umano ito ng mangyari ang pamamaril na sinang-ayunan rin ng kanyang live-in partner.
Maaring sila lang umano ang itinuro ng ilang witness dahil naka-alitan umano nila ang kapitan at ilang tanod ng barangay Camansi Norte nitong nakaraang araw.
Rumesponde umano kasi si Kapitan at kanyang mga tanod sa tinitirhan ni Cangson, dito na nasuntok umano ang kanyang live-in partner.
Nakakulong na ngayon si Cangson at nakatakdang kasuhan ng kaukulang kaso.