Patay ang isang barangay captain ng bayan ng Pinamalayan, Oriental Mindoro matapos na saksakin ng isang lalaki nitong hapon ng July 02.
Kinilala ni Supt. Imelda Tolentino ng Regional Police Information Office ang nasawi na si Barangay Captain Joel Gabregas Fontecilla, Barangay Captain ng Barangay Ranzo ng nasabing bayan.
Ayon sa imbestigasyon ng Pinamalayan Municipal Police Station, bandang ala-una ng hapon ng magkasagutan umano ang kapitan ang suspek na si Ronnie Malacas sa bahay ng huli dahil sa isang lupa. Lasing umano noon ang kapitan at may dalang bolo habang nagtatalo sila ni Malacas.
Nataga umano si Malacas sa likod. Pumasok ng bahay si Malacas at kumuha rin ng Bolo at sinundan ang kapitan papalayo sa kanyang bahay.
Nataga umano ni Malacas ang kapitan sa may ulo na naging dahilan ng kanyang pagtumba, at habang ito ay nakahiga at duguan, maka-ilang beses pa umanong tinaga sa katawan ang biktima.
Agad na namatay ito at hindi na naisugod sa ospital.
Ayon pa sa Pinamalayan MPS, tinitingnan rin nila na isa sa motibo sa pagpatay ang dating kaso ni Kapitan Fontecilla na kung saan nakapatay umano ang kapitan ng kamag-anak ni Malacas noong August 2012 ngunit inareglo lang umano ito kaya nasara ang kaso.
Hawak na ng Pinamalayan MPS ang suspek para iharap sa maaring ikaso sa kanya.