May aabot sa 70 na patay na pawikan o sea turtle ang nasabat ng mga tauhan ng Dumaran Municipal Police Station at Bantay Dumaran sa bayan ng Dumaran, Palawan nitong madaling araw ng Huwebes.
Ayon sa Dumaran Police, nagsasagawa umano ng joint patrol ang Dumaran MPS at Bantay Dumaran ng mamataan ang isang unnamed motorized boat sa may bahagi ng Barangay Bacao ng parehong bayan.
Sakay umano ng bangka ang kapitan nito na si Rico Gonzels at ang nag-iisang crew na si Kim Arisotiles.
Sa pag-inspeksyon ng awtoridad, tumambad sa kanila ang 70 patay na pawikan o sea turtle na nakabalot ng plastic at sa sako. Galing umano ang mga pawikan sa Barangay Maytegued, Taytay, Palawan at balak ibiyahe patungo sa isang lugar sa Balabac, Palawan.
Hawak na ngayon ang mga suspek ng kapulisan at nakatakdang kasuhan ng kaukulang kaso.