Aabot sa 15 pasahero ng isang Dimple Star Bus na bumabiyahe sa Occidental Mindoro ang sugatan matapos itong tumagilid sa bahagi ng Barangay Nicolas, Magsaysay, Occidental Mindoro mag-aalas 9 ng kahapon ng umaga.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Magsaysay Municipal Police Station, nawalan umano ng preno ang bus na minamaneho ni Joey Bautista Quintia sa may pababang bahagi ng national road sa Barangay Nicolas.
Para hindi umano mas lumala o mas madami ang casualty, mas pinili umano ng driver na isalpok nalang sa gilid ng bundok ang nasabing bus ngunit dumiretso ito sa may batuhan na bahagi kaya itoy tumagilid.
May sakay ang bus na 20 na pasahero, pero 15 lamang ang nasagutan at isinugod agad sa pinakamalapit na ospital.
Isang grupo naman ng mga riders ang unang rumesponde sa nasabing aksidente matapos nila itong masaksihan at madaanan.
Patuloy namang iniimbestigahan ng Magsaysay Municipal Police Station ang nasabing aksidente.