Nasa kamay na ng mga Naujan Municipal Police Station at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang tatlo sa limang presong nakatakas sa Naujan Municipal Jail nitong Linggo ng madaling araw.
Ayon kay Supt. Imelda Tolentino, spokesperson ng Regional Police Office MIMAROPA, nadakip ng pwersa ng Naujan MPS at BJMP Naujan si Anianas Dalisay, na may kasong paglabag sa RA 9165, bandang alas-5 ng umaga sa Brgy. Sta. Maria habang sa Brgy. Masagana bandang alas-6 ng umaga naman nadakip si Toribio Mercado na may kaso namang rape.
Sumuko naman sa pulisya sa pamamagitan ng isang kakilala sa Barangay Pagkakaisa ng parehong bayan ang isa rin sa mga preso na si Marlon Genabe, may kaso namang theft.
Ayon pa kay Tolentino, patuloy na pinaghahanap ng mga kapulisan ang dalawa pang bilanggo na sina Remegio Orgrecio, may kasong Violence against Women and Children; at si Marvin Montemayor na may kasong paglabag sa RA 9165.
Matatandaang nitong Linggo ng madaling araw ay nadiskobre ng isang Jail Officer na wala na ang limang preso habang nakabukas ang padlock ng Cell 1 at sira umano ang rehas sa Cell 2.