Aabot sa 41 benepisyaryo sa bayan ng Corcuera ang makatatanggap ng mga pangunahing pagkain sa ilalim ng Walang Gutom Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na naglalayong matugunan ang kagutuman at mapalakas ang seguridad sa pagkain ng mga pamilyang nangangailangan.
Bawat benepisyaryo ay pagkakalooban ng dalawang sako ng commercial rice, dalawang bandeha ng itlog, karne, prutas at mga gulay upang makatulong sa pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan sa pagkain ng kanilang pamilya.
Isa ang Corcuera sa mga naunang bayan sa Romblon na napabilang sa pagpapatupad ng programa, na nakatuon sa pagbibigay ng sapat at masustansiyang pagkain sa mga pamilyang higit na nangangailangan.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Corcuera Mayor Elmer Fruelda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sa DSWD Secretary Rex Gatchalian, gayundin sa mga nagbabayad ng buwis na pinagmumulan ng pondong ginagamit sa pagpapatupad ng mga programang panlipunan ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng Walang Gutom Program, layunin ng DSWD na mabawasan ang kagutuman at mapalawak ang access ng mga pamilyang Pilipino sa sapat at masustansiyang pagkain.

























