Arestado ang isang lalaking nahaharap sa limang bilang ng kasong rape at dalawang bilang ng paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa isinagawang operasyon sa Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon, bandang alas-8:40 ng umaga nitong Nobyembre 7.
Pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Romblon Provincial Field Unit ang operasyon katuwang ang mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station at iba pang police units mula sa MIMAROPA at Nueva Ecija.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Oktubre 14, 2026 ng Regional Trial Court (RTC) Branch 26 sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Nahaharap ang akusado sa limang bilang ng rape sa ilalim ng Article 266-A(1)(d) ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 11648. Walang inirekomendang piyansa para sa mga kasong ito.
May dalawa rin itong kasong paglabag sa Section 10(a), kaugnay ng Section 3(b)(1) ng Republic Act No. 7610, na may inirekomendang piyansang ₱80,000 para sa bawat kaso.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa akusado ang mga kasong kinahaharap nito at ang mga karapatan nito sa ilalim ng Konstitusyon.
Kasalukuyan itong nasa kustodiya ng CIDG Romblon Provincial Field Unit para sa dokumentasyon at iba pang legal na proseso bago iharap sa korte na naglabas ng warrant.
Pinuri naman ni Romblon Police Provincial Office Provincial Director PCOL Rexton F. Sawi ang koordinasyon ng mga yunit na lumahok sa operasyon at muling iginiit ang kanilang tungkuling tiyaking nahaharap sa korte ang mga indibidwal na may kinahaharap na mabibigat na kasong kriminal.


























