Sa pagdiriwang ng kauna-unahang Social Enterprise Week 2026 na ginanap sa Odiongan Romblon, pinuri ang iba't ibang produktong likha ng mga lokal na negosyante at asosasyon sa Odiongan dahil sa kanilang kakaibang konsepto at katangiang hindi basta matatagpuan sa ibang lugar.
Tinalakay ang potensyal ng mga lokal na produkto kung saan tampok ang mga likha at produktong ipinagmamalaki ng iba't ibang asosasyon at kooperatiba.
Ayon kay Professor Rodmark Ruschi Barriga, President, Society for the Advancement of Professional Social Enterpreneurship, marami pang natatanging produkto sa Odiongan ang dapat makilala at maipakilala sa mas maraming mamimili.
“Ang daming magandang produkto ng Odiongan. Kakaiba yung ginagawa nila. Kapag nakabisita, kapag nakita niyo yung produkto nila, tapos may mga iba pa silang produkto na hindi makikita sa ibang lugar,” ani Barriga
Binigyang-diin din ng pahayag ang potensyal ng mga lokal na produkto na makilala hindi lamang sa loob ng bayan kundi maging sa iba pang bahagi ng probinsya at bansa.
Sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad, nabibigyan ng pagkakataon ang mga lokal na asosasyon at maliliit na negosyo na maipakita ang kanilang mga produkto, mapalawak ang kanilang merkado, at higit pang mapaunlad ang kanilang kabuhayan.


























