Hinimok ni Leandro Flores, Chief Health Insurance Officer ng PhilHealth Romblon, ang mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na huwag mahiyang magpakonsulta sa mga ospital at health facilities at gamitin ang mga benepisyong nakalaan para sa kanila.
Binigyang-diin ni Flores na tungkulin ng PhilHealth na gabayan ang mga miyembro sa pag-unawa at paggamit ng kanilang mga benepisyo. Aniya, simple lamang ang proseso ng pagiging miyembro at pag-avail ng mga serbisyo, at marami nang accredited facilities sa lalawigan na maaaring lapitan ng publiko.
Kabilang sa mga serbisyong isinusulong ng PhilHealth ang Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP), na nakatuon sa preventive healthcare o maagap na pangangalaga sa kalusugan.
Sa ilalim ng programa, hinihikayat ang mga miyembro na regular na magpakonsulta kahit wala pang nararamdamang sintomas upang masuri ang kanilang kalagayan, matukoy nang maaga ang posibleng panganib sa kalusugan at mabigyan ng angkop na payong medikal.
Kabilang sa mga serbisyong maaaring ma-avail sa ilalim ng YAKAP ang konsultasyon, mga piling laboratory at diagnostic examination, screening para sa ilang sakit, at mga gamot na saklaw ng programa, alinsunod sa itinakdang benepisyo at kwalipikasyon.
Sa pamamagitan ng maagang pagpapasuri, maaaring matukoy at maagapan ang mga kondisyon gaya ng altapresyon at diabetes bago pa magkaroon ng mas malubhang komplikasyon.
Pinaalalahanan naman ang mga miyembro na magparehistro at pumili ng kanilang accredited YAKAP clinic upang magamit ang mga serbisyong nakalaan sa kanila.
Patuloy na hinihikayat ng PhilHealth Romblon ang publiko na alamin at gamitin ang kanilang mga benepisyo, sa halip na hintaying lumala ang karamdaman bago magpatingin sa doktor.


























