Nasawi ang isang 33-anyos na lalaking motorista matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa konkretong harang sa isang kurbadang bahagi ng kalsada sa Barangay Tumingad, Odiongan, dakong alas-7:15 ng gabi nitong Nobyembre 1, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, pauwi na sa Barangay Panique ang biktima mula Barangay Gabawan sakay ng puting Honda Click 125 nang marating ang kurbada malapit sa El Elohe Shooting Range sa Sitio Daisy.
Nabatid na umano’y nagkaroon ng problema sa preno ng motorsiklo, dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver. Lumihis ito sa kaliwang bahagi ng kalsada at bumangga sa konkretong harang.
Nagtamo ang biktima ng maraming pinsala sa katawan, partikular sa ulo.
Agad siyang isinugod ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa Romblon Provincial Hospital, ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician dakong alas-7:48 ng gabi.
Ayon sa pulisya, rumesponde ang mga tauhan ng Odiongan MPS matapos matanggap ang ulat sa pamamagitan ng 911 hotline.
Patuloy ang imbestigasyon at dokumentasyon ng insidente.


























