Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA na simulan ang implementasyon ng Walang Gutom Kitchen sa Tablas Island sa Romblon upang matulungan ang mga pamilyang nahihirapang makakuha ng sapat at ligtas na pagkain.
Ayon kay DSWD MIMAROPA Regional Director Allyp Albert Baybayan, bahagi ito ng layunin ng ahensya na matiyak na walang pamilyang magugutom at walang maiiwan sa paghahatid ng mga serbisyong panlipunan.
Isinagawa na ang paglulunsad ng Walang Gutom Kitchen sa iba't ibang probinsya, habang nakikipag-ugnayan naman ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan at barangay para sa pagtatatag nito sa mga susunod na lugar.
Sinabi ni Baybayan sa Kapihan sa PIA Romblon na kabilang sa mga napag-usapan ng ahensya at ng League of Municipalities of the Philippines (LMP)–Romblon Chapter ang paghahanda sa mga kinakailangang suplay ng pagkain at iba pang kakailanganin upang mapanatili ang operasyon ng kitchen sa Tablas.
Sa pamamagitan nito, inaasahang magkakaroon ng mas madaling access ang mga benepisyaryo sa ligtas na pagkain sa tulong ng mga katuwang na ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor.
Ayon kay Baybayan, nangako ang mga alkalde sa Romblon na sisikaping masimulan ang implementasyon ng mga Walang Gutom Kitchen sa unang bahagi ng 2027.
Habang hindi pa naitatatag ang pasilidad, mayroon nang mga accredited partner ang DSWD kung saan maaaring gamitin ng mga benepisyaryo ang kanilang food stamps upang makakuha ng pagkain.
Sinabi ni Baybayan na layunin ng programa na matulungan ang mga mamamayang nahihirapang makakuha ng mga pangunahing pangangailangan, partikular ang pagkain.


























