Nagpakalat ang Romblon Police Provincial Office (RPPO) ng kabuuang 961 security at emergency personnel sa buong lalawigan upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa paggunita sa Undas 2026.
Saklaw ng operasyon ang 48 sementeryo, memorial park at columbarium sa lalawigan, gayundin ang mga simbahan, pantalan, paliparan, terminal, pangunahing lansangan, pasyalan at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng publiko.
Sa kabuuang bilang, 447 tauhan ang mula sa Philippine National Police (PNP), kabilang ang 52 augmentation personnel mula sa Provincial Mobile Force Company (PMFC) at City Mobile Force, at 395 tauhan mula sa mga Municipal Police Station.
Katuwang din sa operasyon ang 211 personnel mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang ahensya ng pamahalaan. Karagdagang 303 force multiplier ang itinalaga upang tumulong sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan.
Nakaantabay rin ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at mga medical team para sa agarang pagtugon sa mga emergency at iba pang insidente.
Ayon kay Provincial Director PCOL Rexton Sawi, mahalaga ang deployment upang mapangalagaan ang publiko sa panahon ng pagdami ng mga bumibisita sa sementeryo at naglalakbay upang makasama ang kanilang mga pamilya.
Kabilang sa mga pangunahing gawain ng mga itinalagang tauhan ang police visibility, traffic management, crime prevention at emergency response.
Hinimok naman ng RPPO ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad, manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga panuntunang pangkaligtasan upang maging maayos ang paggunita sa Undas 2026.


























