Sugatan ang dalawang sakay ng motorsiklo matapos umano silang masagi ng isang pickup truck na tumakas din matapos ang insidente sa National Highway sa Barangay Matutuna, San Andres, Romblon, dakong alas-2 ng hapon noong Linggo, Oktubre 25.
Batay sa paunang imbestigasyon ng San Andres Municipal Police Station (MPS), bumibiyahe patungong Barangay Mabini ang isang itim na motorsiklo na minamaneho ng isang 22-anyos na lalaki, kasama ang kanyang 24-anyos na babaeng angkas.
Ayon sa ulat, galing silang dalawa sa Odiongan nang tangkain umanong mag-overtake ng pickup truck na nasa likuran nila. Sa ginawang pag-overtake, nasagi umano ng kanang likurang bahagi ng pickup truck ang motorsiklo, dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver at bumagsak ang dalawa sa sementadong kalsada.
Sa halip na huminto, nagpatuloy umano sa pagbiyahe patungong Calatrava, Romblon ang driver ng pickup truck matapos ang insidente.
Kapwa nagtamo ng mga pinsala ang driver ng motorsiklo at ang kanyang angkas. Agad silang dinala ng mga concerned citizen sa San Andres Municipal Hospital para sa medikal na atensiyon.
Nagtamo rin ng mga gasgas sa kaliwang bahagi ang motorsiklo.
Patuloy ang follow-up investigation ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng driver ng pickup truck.
Nagpaalala naman ang Romblon Police Provincial Office sa mga motorista na mag-ingat sa pag-overtake, panatilihin ang ligtas na distansiya sa ibang sasakyan, at huminto upang magbigay ng tulong at iulat ang insidente kapag nasangkot sa isang aksidente sa kalsada.
























