Itinampok ng Romblon State University (RSU) sa pandaigdigang entablado ang award-winning RSU Futures Thinking Capacity Programs sa ginanap na WURI Global Conference 2026 (WGC26) noong September 23–25 sa Deggendorf Institute of Technology (DIT) sa Deggendorf, Germany.
Pinangunahan ni RSU President Merian P. Catajay-Mani ang delegasyon ng unibersidad at nagsilbing official speaker sa kumperensya matapos imbitahan ng DIT. Kasama niya si Dr. Arlo Mortos, Campus Director ng RSU Sta. Maria.
Inilahad ni Mani ang programa sa harap ng mga university president, faculty leaders at administrators mula sa iba't ibang bansa bilang bahagi ng showcase ng mga matagumpay na inisyatiba at innovation na kinilala sa World University Rankings for Innovation (WURI).
Bitbit ang prinsipyo ng RSU na “Dare to be Different,” ipinakita sa presentasyon kung paano ginagamit ng unibersidad ang Futures Thinking upang mapaunlad ang foresight at strategic capacity nito sa pagharap sa mga pagbabago at paghubog sa kinabukasan ng Romblon at iba pang komunidad.
Binigyang-diin din sa presentasyon na ang isang state university na nakabase sa isang archipelagic at island setting ay maaaring makapag-ambag ng mga makabuluhang modelo ng innovation sa pandaigdigang higher education community.
Binuksan ang WGC26 sa isang plenary session na pinangunahan nina Conference Chair Ulrike Sauckel, WURI Foundation Chair Dong-Sung Cho at WURI Ranking Chair Kyung-Sung Kim, na naglahad ng overview ng WURI Ranking 2026.
Kasama rin sa opening program ang paggawad ng category awards sa 24 winning projects mula sa Categories A, B at C, na kumilala sa mga institusyong nanguna sa student engagement and leadership, research, curricular innovation at social impact.
Naging keynote speaker naman si dating DIT President Peter Sperber, habang pormal na tinanggap ni DIT President Waldemar Berg ang mga delegado.
Bukod sa mga case presentation, tampok din sa tatlong araw na kumperensya ang networking sessions ng World University Network for Innovation (WUNI) para sa university presidents, faculty leaders at administrative experts, gayundin ang Certified WURI Mentor (CWM) program.
Isinagawa rin ang panel discussion hinggil sa epekto ng pagbabago sa industriya sa hinaharap ng Third Mission Universities, na nilahukan nina dating Nvidia Vice President for Sales Bernhard Gleissner at dating Siemens Mobility CFO Karl Blaim.
Ayon sa RSU, ang paglahok nito sa WGC26 ay bahagi ng pagpapalawak ng international presence ng unibersidad at pagpapatibay ng posisyon nito sa global innovation rankings, kasabay ng pagpapatuloy ng layunin nitong maghatid ng dekalidad, relevant at future-ready education na nakaugat sa karanasan ng mga Romblomanon.



































Discussion about this post