Naglagay ng dagdag na 16 CCTV cameras ang Santa Fe National High School (SFNHS) sa iba't ibang estratehikong bahagi ng kanilang campus upang higit na mapalakas ang seguridad at matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at iba pang kawani ng paaralan.
Pinangunahan ni School Principal Johanie Andres ang naturang inisyatiba gamit ang pondo ng paaralan mula sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), bilang bahagi ng mga hakbang upang mapanatili ang ligtas at maayos na kapaligiran sa pag-aaral.
Layunin ng paglalagay ng mga CCTV camera na mapalawak ang pagbabantay sa loob ng paaralan, mapangalagaan ang mga pasilidad at kagamitan, gayundin na maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente na maaaring makaapekto sa seguridad ng buong komunidad ng paaralan.
Kaugnay nito, nagsagawa rin ang pamunuan ng oryentasyon para sa punong-guro at mga guro upang matiyak ang wastong paggamit at pangangasiwa sa naturang surveillance system.
Kabilang sa mga tinalakay sa oryentasyon ang operasyon ng CCTV cameras, paggamit ng monitoring equipment, pag-access at pagsusuri sa mga naitalang video, at mga pamamaraan sa pagpapanatili ng maayos na kondisyon ng mga kagamitan.
Binigyang-diin din sa pagsasanay ang responsableng paggamit at pangangalaga sa mga surveillance recordings, partikular ang pagsunod sa mga alituntunin sa privacy at confidentiality upang matiyak na hindi maaabuso ang mga impormasyong nakukuha mula sa mga camera.


























