Nanawagan ang Sangguniang Bayan (SB) ng Odiongan sa National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) na magbigay ng technical assistance upang maresolba ang matagal nang boundary dispute ng bayan sa mga karatig na bayan ng Ferrol at San Andres.
Personal na inihatid ni SB Member Dondon Fernandez sa tanggapan ng NAMRIA sa Taguig ang resolusyong inaprubahan ng konseho na humihiling ng tulong teknikal para sa pagresolba ng usapin sa hangganan ng tatlong bayan.
Ayon kay Fernandez, nakapagpasa ang konseho ng resolusyon matapos itong mapag-usapan noong nakaraang tatlong linggo, kasunod ng kahilingan ni Odiongan Mayor Roger Fodra.
Matagal na umanong pinagtatalunan ng tatlong bayan ang kanilang boundary sa bahagi ng karagatan, na direktang nakaaapekto sa mga mangingisda at kanilang kabuhayan.
Kabilang sa mga lugar na sangkot ang Sitio Bagulayag, na pinag-uusapang bahagi ng boundary ng Ferrol at Odiongan, at sa Barangay Panique, na sangkot naman ang Odiongan at San Andres.
Ayon kay Fernandez, nagiging collateral damage ang mga mangingisda dahil sa magkakaibang pagpapatupad ng mga ordinansa hinggil sa pangingisda sa municipal waters ng tatlong bayan.
“Until now kasi ay pinagtatalunan pa rin ng tatlong bayan yan at mangingisda ang nagiging collateral damage sa implementation ng ordinance sa pangisdaan sa municipal waters, kaya dapat maresolba,” ani Fernandez.
Umaasa ang SB ng Odiongan na makatutulong ang NAMRIA sa teknikal na pagtukoy sa mga hangganan ng tatlong bayan upang magkaroon ng mas malinaw na batayan sa pagpapatupad ng mga ordinansa at pamamahala sa kanilang municipal waters.
Inaasahang malalaman ng konseho ang tugon ng NAMRIA sa kahilingan para sa technical assistance sa loob ng tatlo hanggang apat na working days.



































Discussion about this post