Itinuturing na loose firearm ng pulisya ang baril na umano’y ginamit ng isang barangay tanod sa pamamaril sa isang mangingisda sa Sitio Miason, Barangay Busay, San Jose, Romblon noong September 22, 2026.
Ayon sa San Jose Municipal Police Station (MPS), naaresto ang suspek bandang 10:00 ng gabi matapos ang insidente. Nahuli siya sa San Jose District Hospital, kung saan kapwa dinala para sa medical treatment ang suspek at ang 21-anyos na biktima.
Nahaharap ang suspek sa kasong Attempted Homicide na umano’y isinagawa gamit ang isang loose firearm.
Iniugnay rin ng pulisya ang insidente sa Section 29 ng Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kaugnay ng paglabag sa mga probisyon hinggil sa iligal o hindi awtorisadong pagmamay-ari o pagkakaroon ng baril.
Batay sa naunang imbestigasyon, naganap ang pamamaril matapos ang mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek at biktima habang nasa isang birthday celebration. Ayon sa pulisya, binaril umano ng suspek ang biktima na tinamaan sa kanang binti.
Narekober naman sa pinangyarihan ang isang caliber .45 Armscor pistol, isang magazine at isang basyo ng caliber .45. Ang mga ito ay isinailalim sa kaukulang dokumentasyon at pagsusuri.
Nasa kustodiya na ng San Jose MPS ang suspek habang isinasagawa ang mga kinakailangang legal na proseso kaugnay ng kaso.
Tiniyak ni PLT Hector G. Gapi, OIC ng San Jose MPS, na isasagawa ang imbestigasyon at mga kaukulang legal na hakbang alinsunod sa umiiral na batas at pamamaraan, habang iginagalang ang mga karapatan ng lahat ng sangkot.
Muling hinikayat ng San Jose MPS ang publiko na agad ireport sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang mga insidente ng pamamaril, pagkakaroon ng loose firearm at iba pang kahina-hinalang aktibidad.



































Discussion about this post