Isinusulong ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang mas malawak na pag-integrate ng Philippine Identification System (PhilSys) o National ID sa mga sistema ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor upang mapabilis at mapaligtas ang mga digital transaction.
Ito ang binigyang-diin ni Joshua Falcunit, Information Officer I ng PSA, sa isinagawang oryentasyon hinggil sa National ID System Integration at National ID Authentication Services (NIDAS).
Ayon kay Falcunit, layunin ng integration na gawing mas seamless, mabilis at ligtas laban sa pamemeke at identity theft ang mga transaksyon ng mga mamamayan, kasabay ng unti-unting paglipat ng bansa sa digital governance.
Batay sa datos na ibinahagi ng opisyal, umabot na sa 93.2 milyong Pilipino ang nakapagpatala sa National ID System mula January 2021 hanggang July 15, 2026.
Nilinaw din ni Falcunit na pare-parehong legal at opisyal na valid proof of identity ang tatlong format ng National ID—ang PVC Card, Paper/ePhilID at Digital National ID na maaaring ma-access sa eGov PH application.
Samantala, pinalalakas ngayon ang paggamit ng Paper National ID kasunod ng pansamantalang pagpapatigil sa pag-print ng PVC cards habang naghahanap ng bagong third-party contractor.
Nasa 81.8 milyon na rin umano ang Digital National IDs na maaaring ma-access sa eGov PH application ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Pinaalalahanan naman ni Falcunit ang publiko na ipinagbabawal ang pagpi-print ng Digital National ID dahil PSA lamang ang may awtoridad na mag-print ng opisyal na National ID.
Sa pamamagitan naman ng NIDAS at National ID eVerify platform, magkakaroon ang mga relying party ng dalawang antas ng authentication.
Ang Tier 1 o Basic Authentication ay ginagamit upang beripikahin ang rekord ng isang indibidwal gamit ang QR Code o ID number. Samantala, ang Tier 2 o e-KYC (Electronic Know Your Customer) ay nagbibigay ng access sa biometrics at litrato ng indibidwal para sa mas matibay na beripikasyon ng pagkakakilanlan, gaya ng kasalukuyang ginagamit sa mga benepisyaryo ng 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ipinabatid din sa oryentasyon na sa ilalim ng NEDA-DICT Joint Memorandum Circular No. 2025-05, iniaatas sa mga ahensya ng pamahalaan na i-integrate ang PhilSys sa kanilang mga digital platform upang magkaroon ng interoperability at mabawasan ang paulit-ulit na pagsusumite ng maraming identification cards ng mga mamamayan.
Sa pamamagitan nito, inaasahang magiging mas mabilis, simple at ligtas ang access ng publiko sa mga serbisyo at transaksyon ng pamahalaan sa ilalim ng digital governance.



































Discussion about this post