Walong indibidwal ang naaresto at 57 LPG cylinders ang nasamsam sa magkakasunod na entrapment operations ng Romblon Police Provincial Office (RPPO) sa apat na bayan ng lalawigan noong September 12, 2026.
Isinagawa ang mga operasyon ng mga tauhan ng San Agustin, Looc, Romblon at Odiongan Municipal Police Stations, katuwang ang mga awtorisadong kinatawan ng brand protection, bilang bahagi ng kampanya laban sa ilegal na kalakalan, hindi awtorisadong pamamahagi at paggamit ng LPG products na may pekeng marka, seal o protektadong trademark.
Sa Looc, dalawang indibidwal ang naaresto sa Barangay Poblacion kaugnay ng reklamo hinggil sa umano’y pagbebenta at pamamahagi ng LPG products na may pekeng o hindi awtorisadong marka at seal. Ilang LPG cylinders na may iba’t ibang laki at tatak ang nakumpiska.
Samantala, sa Romblon, Romblon, dalawang magkahiwalay na operasyon sa Barangays Macalas at Bagacay ang nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang indibidwal at pagkakasamsam ng kabuuang 10 LPG cylinders, kasama ang iba pang ebidensya.
Sa Odiongan, isang indibidwal ang naaresto sa Barangay Tumingad matapos ang operasyon kaugnay ng impormasyon hinggil sa umano’y paggamit at pagkakaroon ng LPG cylinders na may pekeng marka at seal. Kabuuang 23 LPG cylinders, kabilang ang mga puno at walang laman, ang nakumpiska.
Sa kabuuan, walong indibidwal ang naaresto at 57 LPG cylinders ang nasamsam sa apat na bayan.
Inihahanda na ng mga concerned police stations ang mga kaukulang kaso laban sa mga naaresto dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines, partikular sa mga probisyon hinggil sa Trademark Infringement at Unfair Competition; Republic Act No. 11592 o LPG Industry Regulation Act; at Batas Pambansa Blg. 33, na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865, hinggil sa ilegal na kalakalan ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay PCOL Rexton Sawi, Provincial Director ng RPPO, mahalaga ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa mga produktong maaaring magdulot ng panganib sa publiko at makapinsala sa mga lehitimong negosyo.
Sinabi rin ng provincial director na patuloy na paiigtingin ng RPPO ang pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor, regulatory agencies at mga lokal na pamahalaan upang matukoy at mapigilan ang paglaganap ng ilegal at pekeng LPG products sa lalawigan.
Hinimok naman ang publiko na maging mapagmatyag at iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang pagbebenta, pamamahagi o pag-iimbak ng LPG products na walang kaukulang permit o awtorisasyon.
Ang lahat ng mga naaresto ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa pamamagitan ng pinal na desisyon ng hukuman.



































Discussion about this post