Nagising at nagulat si Sangguniang Bayan member Marcial Riano at ang kanyang pamilya matapos umanong sunod-sunod na bumagsak ang anim na bote sa kalsada mismo sa harap ng kanilang tahanan sa Poblacion, San Fernando, Romblon, noong gabi ng Agosto 12.
Ayon kay Riano, naganap ang insidente bandang alas-11 ng gabi.
Aniya, nagmula sa likurang bahagi ng kanilang bahay ang mga bote, kung saan matatagpuan ang lokal na palaruan at grandstand ng bayan.
Bagama’t may mga kabataan at estudyante umanong madalas na nag-iinuman sa nasabing lugar, sinabi ni Riano na ngayon lamang nangyari na may mga boteng inihagis o bumagsak sa harap mismo ng kanilang bahay.
Naniniwala si Riano na maaaring hindi mga estudyante ang nasa likod ng insidente kundi mga taong may personal umanong galit sa kanya.
Si Riano ay kabilang sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng San Fernando na bumoto pabor sa pag-eendorso ng aplikasyon ng Altai Mining Philippines Corporation kaugnay ng pagmimina sa bayan. Naghain din umano siya ng mga reklamo laban sa ilang indibidwal kasunod ng mga noise barrage na isinagawa sa mga nakaraang linggo.
Sa isang pahayag, nagbabala si Riano sa mga pinaniniwalaan niyang maaaring nasa likod ng insidente.
“Kilala ko kayo. Pero para sa kapakanan ng pagdududa, hindi ko muna kayo pangalanan ngayon. Ituloy mo lang ang ginagawa mo. Balang araw ay puputok din ang pangalan mo at kung sino ang nag-utos sa iyo. Tandaan mo ‘yan,” pahayag nito.
Idinagdag pa niya na ang insidente ay hindi lamang umano nakaapekto sa kanya kundi maging sa kanyang pamilya.
Wala pang impormasyon kung may pormal nang reklamong inihain si Riano sa mga awtoridad kaugnay ng insidente.



































Discussion about this post