Naniniwala si Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr. na dapat gamitin ang talino at kakayahan ng mga taga-Romblon sa science, technology and innovation upang mapalakas ang ekonomiya at matugunan ang mga pangunahing problema ng lalawigan.
Sa kanyang mensahe sa isang aktibidad sa San Agustin, Romblon, kung saan inilunsad ang serye ng STI initiatives, sinabi ni Solidum na hindi kakulangan sa talento ang pangunahing hamon ng mga taga-Romblon, kundi ang limitadong oportunidad na dulot ng pagiging isang island province.
“Nandiyan na po yung talino ng mga taga-Romblon, pero paano natin gagamitin yung talino ng mga taga-Romblon at gamitin ang siyensya at technology innovation para mapalakas pa ang ating ekonomiya, mapa-unlad pa ang buong probinsya ng Romblon, at masolusyunan ang mga basic problems dito,” ani Solidum.
Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng pagtutulungan ng DOST, iba pang ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan at pribadong sektor upang mapalawak ang oportunidad para sa mga Romblomanon.
Ayon kay Solidum, mahalagang magkaroon ng mas de-kalidad na edukasyon upang mas maraming kabataan mula sa lalawigan ang magkaroon ng pagkakataong makapasok sa Philippine Science High School (PSHS) sa Odiongan at mapaunlad ang kanilang kakayahan sa science and technology.
“Kailangan natin ng pagtutulungan ang bawat isa—ng Department of Science and Technology, ng iba pang ahensya ng gobyerno, like Deped para talagang mas kalidad na edukasyon ang ating ibigay sa ating mga bata para naman magamit natin ang Philippine Science High School na nasa Odiongan at dumami ang makapasa,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ng kalihim na dapat maging bahagi ang private sector sa pagsusulong ng economic development sa lalawigan, partikular sa pagpapalakas ng micro, small and medium enterprises at mga industriya.
Sinabi ni Solidum na higit sa sariling kita at fulfillment ang dapat maging sukatan ng tagumpay sa pag-unlad, dahil mas magiging makabuluhan ang paglago ng negosyo kung nakatutulong ito sa mas maraming kababayan.
Ayon sa kalihim, ipinakita na ng mga programa at teknolohiyang ipinatutupad sa Romblon kung paano maaaring magkaroon ng konkretong epekto ang science and technology kapag tumutugon ang mga ito sa tunay na pangangailangan ng mga komunidad.



































Discussion about this post