Apat na indibidwal ang inaresto ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at local law enforcement matapos mahuling gumagamit umano ng compressor sa pangingisda, isang ipinagbabawal na pamamaraan sa ilalim ng Municipal Ordinance No. 2, Series of 1998 ng bayan ng Magdiwang.
Isinagawa ang seaborne patrol operation bandang 3:30 ng madaling araw ng July 17 sa karagatang nasa humigit-kumulang 1.8 kilometro mula sa baybayin ng Barangay Silum, Magdiwang.
Pinangunahan ang operasyon ng Romblon Maritime Police Station (MARPSTA)/Magdiwang Municipal Law Enforcement Team (MLET), katuwang ang Magdiwang Municipal Police Station (MPS) at Provincial Intelligence Unit (PIU).
Sa isinagawang inspeksyon sa isang motorized banca, nahuli ang apat na suspek na umano'y gumagamit ng compressor-assisted fishing.
Nakumpiska sa operasyon ang isang motorized banca, dalawang Yamada engine, isang compressor engine, isang compressor tank, humigit-kumulang 400 metro ng compressor hose, apat na improvised spear gun, anim na improvised diving fins, tatlong diving flashlight, tatlong full-face mask, at tinatayang limang kilo ng iba't ibang uri ng isda.
Aabot sa mahigit ₱179,000 ang tinatayang halaga ng mga nakumpiskang kagamitan at huli.
Dinala ang mga suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa tanggapan ng Magdiwang Municipal Law Enforcement Team sa Barangay Ambulong para sa dokumentasyon at tamang disposisyon. Inihahanda na rin ang kaukulang kaso laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa umiiral na municipal fisheries ordinance.
Pinuri ni Romblon Police Provincial Director PCOL Rexton Sawi ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon at muling iginiit ang pangako ng Romblon PPO na paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas laban sa illegal fishing upang mapangalagaan ang yamang-dagat ng lalawigan.



































Discussion about this post