Nasawi ang isang miyembro ng Philippine National Police matapos maaksidente habang pauwi mula sa kanyang duty noong gabi ng Mayo 21 sa Barangay Poblacion, San Fernando.
Batay sa ulat ng pulisya, minamaneho ng biktima ang isang puting Honda Click 125 motorcycle sa kahabaan ng provincial road patungo sa kanyang tirahan sa Barangay Panangcalan nang mawalan umano ito ng kontrol sa motorsiklo pagsapit sa kanto ng Gov. F. Sanz Street at Gov. J. Perez Street.
Dahil sa insidente, bumangga ang motorsiklo sa pavement na naging sanhi ng matinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Agad siyang isinugod sa Rural Health Unit ng San Fernando para sa paunang lunas bago inilipat sa Sibuyan District Hospital para sa karagdagang gamutan.
Kinabukasan, Mayo 22, inilipat naman ang biktima sa Roxas City, Capiz sakay ng Starlite Ferries para sa mas masusing medical evaluation at treatment.
Gayunman, kalaunan ay binawian din ng buhay ang pulis habang ginagamot sa ospital sa Capiz.
Nagpaabot na ng pakikiramay ang San Fernando Municipal Police Station sa pamilya ng nasawing pulis.



































Discussion about this post