Naglunsad ng special trip ang Starhorse Shipping Lines upang maserbisyuhan ang mga stranded na pasahero na pauwi sa lalawigan ng Romblon, kasunod ng dagsa ng biyahero ngayong holiday season at kakulangan ng regular na biyahe.
Ayon kay Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic, nagsimula na ang ticketing para sa special trip ng barko na may kapasidad na 790 pasahero. Ang ruta ng biyahe ay Lucena–Corcuera–San Agustin–Romblon–Sibuyan. Dagdag pa ng gobernador, kung hindi pa rin sapat ang maseserbisyuhang pasahero, nakahanda ang Starhorse Shipping Lines na magsagawa ng isa pang biyahe sa tanghali.
Nagpasalamat ang pamahalaang panlalawigan sa pamunuan ng Starhorse sa agarang pagtugon upang matulungan ang mga Romblomanong matagal nang naghihintay ng masasakyan pauwi ng lalawigan.
Nakaantabay rin ang Philippine Coast Guard at Philippine Navy sakaling magkaroon pa ng labis na bilang ng pasahero. Inatasan na rin ng gobernador ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na makipag-ugnayan sa PDRRMO ng Quezon Province para sa posibleng tulong at pag-alalay sa mga stranded na pasahero sa Lucena Port.
Bukod dito, nakipag-ugnayan din si Governor Firmalo-Fabic sa isang konsehal sa Lucena City upang maitalaga ang mga kawani ng lungsod na tutulong sa pag-aasikaso ng mga Romblomanong pasahero sa pantalan. Nakipag-ugnayan na rin ang Coast Guard Station Romblon sa kanilang counterpart sa Coast Guard Lucena upang magbigay ng karagdagang asistencia sa mga pasahero.
Samantala, inihayag ng gobernador na sa Enero ay magsasagawa ng pulong ang pamahalaang panlalawigan kasama ang mga shipping lines na bumibiyahe patungong Romblon upang talakayin ang mga hakbang kung paano maiiwasan ang ganitong sitwasyon lalo na tuwing peak season. Isa rin sa mga tatalakayin ang posibilidad ng pagpapatupad ng online ticketing system para sa mga barkong may biyahe at ruta sa lalawigan ng Romblon.




































Discussion about this post