Nasawi si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral matapos matagpuang walang buhay sa isang malalim na bahagi ng Kennon Road sa Tuba, Benguet nitong hapon ng Disyembre 18.
Kinumpirma ng Benguet Police Provincial Office ang insidente at sinabing natagpuan ang biktima sa humigit-kumulang 30 metrong lalim ng bangin sa bahagi ng Maramal, Camp 4–Camp 5 area ng Kennon Road.
Batay sa inisyal na ulat ng mga awtoridad, patungo umano si Cabral sa La Union kasama ang kanyang driver nang pansamantala itong magpaiwan sa naturang lugar pasado alas-3 ng hapon. Makalipas ang halos dalawang oras, bandang alas-5 ng hapon, bumalik ang driver upang sunduin si Cabral ngunit hindi na ito matagpuan.
Dahil dito, humingi ng tulong ang driver sa mga awtoridad bandang alas-7 ng gabi. Sa isinagawang paghahanap, natagpuan ang dating DPWH official na wala nang buhay sa bangin sa tabi ng kalsada.
Kasabay nito, iniulat na kabilang si Cabral sa mga inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na makasuhan kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project. Dahil dito, inatasan ng Office of the Ombudsman ang Benguet Police na isailalim sa kustodiya ang mga personal na gamit ng biktima, kabilang ang kanyang cellphone, bilang bahagi ng imbestigasyon.
Patuloy ang masusing pagsisiyasat ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong pangyayari at sanhi ng pagkamatay ni Cabral.




































Discussion about this post