Muling umapela ang mga miyembro ng Sibuyanons Against Mining (SAM) sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kanselahin ang mining contract ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC), sa gitna ng patuloy na pagkabahala ng mga residente sa pinsalang dulot ng pagmimina sa Sibuyan Island, Romblon.
Sa isinagawang protesta ng mga environmental at human rights groups sa harap ng DENR sa Quezon City nitong Biyernes, sumama ang mga anti-mining advocates mula sa isla.
Ayon kay Elizabeth Ibañez ng Sibuyanons Against Mining (SAM), noong 2023 ay nagpatuloy sa operasyon ang nasabing kompanya kahit wala itong kumpletong permit at sa kabila ng malinaw na pagtutol ng mga residente.
“In 2023, exploration and extraction of ores went through despite the lack of permits and violations of the mining company,” ayon kay Ibañez.
“We cannot comprehend how the DENR has failed to act on our petition for the cancellation of the mining contract of Altai Philippines Mining Corporation (APMC),” dagdag pa nito.
Dagdag pa niya, ilang beses nang nagpetisyon ang mga taga-Sibuyan sa mga opisina ng DENR at lokal na pamahalaan, ngunit tila nananatiling bingi ang mga awtoridad sa panawagan ng mga mamamayan.
Ang Sibuyan Island, na bahagi ng lalawigan ng Romblon, ay isa sa mga pinakamasaganang lugar sa bansa pagdating sa flora at fauna, at itinuturing na key biodiversity area. Sa kabila nito, ilang kumpanya ng mina ang nagtatangkang mag-operate dito sa mga nakalipas na taon.
Ang panawagan ng mga Sibuyanon ay bahagi ng “Mining Hell Week” ng Alyansa Tigil Mina (ATM), isang linggong kampanya na layuning ipanawagan ang pananagutan ng mga mining company at ng mga opisyal ng pamahalaan na umano’y pumapayag sa mga mapanirang proyekto sa kapaligiran.
Ayon sa ATM, patuloy pa rin ang DENR sa pagbibigay ng pahintulot sa ilang malalaking mining firm kahit malinaw ang pagtutol ng mga lokal na komunidad, kabilang na ang sa Sibuyan.




































Discussion about this post