Tatlumput pitong (37) magsasaka sa lalawigan ng Romblon ang nakatanggap ng kanilang Certificate of Condonation with Release of Mortgage mula sa Department of Agrarian Reform (DAR), bilang bahagi ng pagpapatupad ng New Agrarian Emancipation Act na layuning tuluyang mapalaya ang mga benepisyaryo mula sa pagkakautang sa lupa.
Sa ilalim ng programa, umabot sa ₱905,728.26 ang kabuuang halaga ng utang na ang napatawad na ng pamahalaan para sa mga benepisyaryo sa Romblon. Kasabay nito, 161 e-titles din ang ipinagkaloob sa mga magsasaka sa Sibuyan Island bilang bahagi ng sabayang pamamahagi ng land titles sa buong MIMAROPA Region.
Layunin ng programa na mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng ganap na pagmamay-ari ng lupa, pagkakamit ng kalayaan sa utang, at pagpapatibay ng mga programang sumusuporta sa agrikultura.
Ayon kay DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer II Claro Pacquing, inaasahang mapangangalagaan ng mga benepisyaryo ang mga lupang ipinagkaloob ng pamahalaan bilang simbolo ng kanilang kalayaan sa utang at bagong simula sa ilalim ng repormang agraryo.
Ang New Agrarian Emancipation Act, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong 2023, ay naglalayong tuluyang palayain ang mga magsasaka mula sa matagal nang pasaning utang, tiyakin ang seguridad sa pagmamay-ari ng lupa, at palakasin ang mga komunidad sa kanayunan sa pamamagitan ng makataong agrarian reform initiatives.
Discussion about this post