Pinaghahanap ng pulisya ang isang puting SUV na nakabangga sa isang motorsiklo at agad na tumakas sa Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon nitong hapon ng Sabado, Agosto 23.
Batay sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, dakong alas-5 ng hapon nang mabangga ang motorsiklo na minamaneho ng isang babaeng estudyante kasama ang kanyang angkas. Ayon sa imbestigasyon, tinangka umanong mag-overtake ng SUV sa bahagi ng national road sa tapat ng isang hotel, ngunit nasalpok nito ang motorsiklo.
Dahil sa bilis ng takbo, tumilapon ang dalawang sakay ng motorsiklo.
Sa halip na huminto, mabilis na tumakas ang SUV matapos ang insidente, ayon sa mga saksi.
Agad namang isinugod sa ospital ng mga rumespondeng tauhan mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga biktima.
Patuloy ang manhunt operation ng pulisya laban sa driver ng SUV. Kasalukuyan ding nagsasagawa ng backtracking sa mga CCTV footage sa posibleng dinaanan ng sasakyan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.


































