“Gabi-gabi, ipinagdarasal ko na sana’y hindi maubusan ng pera ang mga magulang ninyo upang hindi kayo maubusan ng ipambibili sa akin.”
Ito ang tumatagos-sa-pusong linyang ibinahagi ni Alvin Magayon Bautista, Class Valedictorian ng RSU – Romblon Campus Batch 2025, sa kaniyang makabagbag-damdaming talumpati sa katatapos lamang na 2025 Commencement Exercises na ginanap sa Romblon Public Plaza kahapon, ika-7 ng Hulyo.
Isinilang sa isang simpleng pamilya kina Noe Manalon Bautista at Monalyn Magayon Bautista, inilahad ni Alvin hindi lamang ang kaniyang tagumpay kundi ang kuwento ng tahimik na pakikibaka sa buhay habang pasan ang bigat ng kahirapan.
Mula Grade 7 hanggang Grade 11, ikinuwento niyang siya ay naging negosyante ng kanilang silid-aralan, nagbebenta ng sari-saring pagkain sa loob ng klase habang pinapakasya ang kaniyang ₱100 na allowance para sa buong linggo, na sa totoo’y pamasahe pa lamang.
“Maniwala man kayo o hindi, [ang] mga araw na ikinamumuhian ko [ay] ang holidays at class cancellations, dahil paniguradong wala akong kikitain,” pagbabahagi niya.
Hindi niya kailanman kinalimutan ang mga kaklaseng, ayon sa kaniya, bumibili ng kaniyang paninda hindi dahil sa gutom kundi dahil gusto nilang tumulong.
“Pasensya na po kung napabili kayo ng sapilitan, nasuklian ng candy, at kung nakalimot man akong magsukli.”
Sa bawat araw ng pagtitipid at pagod, inukit niya sa puso ang paninindigang, “Ayos lang na walang laman ang bulsa at tiyan, basta’t sa bawat araw, ako’y may natututuhan.”
Ito ang naging pundasyon ng kaniyang pananalig na “edukasyon lamang ang paraan upang tuldukan ang kahirapang aming nararanasan.”
Ngayon, matapos ang taon ng sakripisyo at determinasyon, naabot niya ang tugatog ng akademikong tagumpay, hindi upang tumigil kundi upang maging tulay para sa iba at maging daluyan ng kuwentong kagaya rin sa kaniya.
Si Bautista ang nagtala ng pinakamataas na GWA sa Class of 2025 na 1.46 at ginawaran ng UNIFAST Academic Excellence Award. Maliban sa pagiging huwarang mag-aaral, isa rin siyang First Class ROTC Officer, student leader, campus journalist, at SK kagawad — patunay ng kaniyang aktibong pakikilahok at pagserbisyo sa RSU Romblon at sa komunidad.



































