Nadagdagan pa ang bilang ng mga bayan sa lalawigan ng Romblon na isinailalim sa tropical cyclone wind signal #1 dahil sa bagyong #AghonPH. Ito ang mga bayan ng Cajidiocan, Magdiwang, San Fernando, Romblon, Corcuera, Banton.
Dahil parin sa bagyo, kinansela na ng Philippine Coast Guard ang biyahe paalis at patungong Sibuyan Island, Romblon ngayong May 25.
Dahil sa pagkansela ay stranded sa Ambulong Port ang mga sakay ng Starlite galing Batangas na patungo sana ng Roxas City sa Capiz. Pinababa na umano ang mga sakay ng barko sa pantalan para dalhin sa pansamantalang evacuation area na tutuluyan ng mga pasahero hanggang sa magkaroon muli ng biyahe sa isla.
Kanselado din ang mga biyahe patungo at paalis ng bayan ng Romblon, Corcuera, at Banton. Maliban sa mga barko ay hindi na rin pinapayagang pumalaot ang iba pang uri ng sasakyang pandagat.
Samantala, inactivate na ng Coast Guard Station (CGS) Romblon ang kanilang deployable response groups para masiguro ang maayos na emergency response kung kailangang ngayong may bagyo.
Ipinagutos na ni CG Lieutenant Sean Jayner Cabral sa lahat ng personnel ng CGS Romblon ang maghanda at ihanda ang mga kagamitang kailangan sa rescue operation.
Huling namataan ang bagyong Aghon kaninang alas-10 ng umaga malapit sa katubigan ng San Vicente, Northern Samar taglay parin ang lakas ng hangin na aabot sa 55 km/h malapit sa gitna ay may bugso ng hangin hanggang 85 km/h.
Gumagalaw ito patungong northwestward sa bilis na 30 km/h.


























