Patung-patong na kaso ang kakaharapin ng isang lalaking naki-fiesta sa Barangay Carmen sa San Agustin, Romblon matapos di umanong bumunot ng baril sa harap ng isang 21-anyos na lalaki noong madaling araw ng Biyernes. Ang suspek, kinilalang si Ermelito Morada Faa, 55, residente ng Bansud, Oriental Mindoro.
Ayon sa ulat ng San Agustin Municipal Police Station, 3:30 nang madaling araw nang magkaroon ng pagtatalo ang suspek at ang biktimang si Ruel Fabol, 21, na nagresulta para bumunot ng baril ang una mula sa dala niyang sling bag. Ang biktima, agad na tumakbo matapos makita ang baril at nagsumbong sa kanyang uncle na kinilalang si Ranty Manipol, 44, residente ng nabanggit na Barangay.
Binalikan ng mag-tiyo ang suspek at kinumpronta ngunit ang suspek ay nagmatigas at nilabas muli ang kanyang baril at bumunot muli. Dito na nakipagbuno si Manipol sa suspek hanggang sa maagaw nito ang hawak na baril.
Isinumbong ng mag-tiyo sa barangay ang pangyayari na narinig naman ni Pat. John Lee Morante, pulis na naka-assign sa 403rd Maneuver Company Battalion, na noong oras na iyon ay nasa barangay hall.
Agad inaresto ni Pat. Morante ang suspek at itinawag sa San Agustin Municipal Police Station para iturn-over. Nakuha sa suspek ang isang .45 pistol, magazines, at mga bala.
Ikinulong ang suspek at sasampahan ng kasong grave threat, at illegal possession of firearm and ammunitions matapos walang maipakitang papeles ng baril at mga bala.
Paliwanag sa Romblon News Network ng isa sa kamag-anak ng nakasuhan, ang kapamilya pa umano nila ang nagtamo ng bugbog sa katawan dahil sa nangyari.
Nlinaw rin nila na lehitimong residente sila ng Barangay Carmen at hindi dayo sa lugar.
PAGTATAMA/ERRATUM: Aming itinatama ang nauna naming inilabas na ulat patungkol sa lalaking kinasuhan matapos magkagulo sa isang aktibidad kaugnay sa pagdiriwang ng kapiyestahan ng Brgy. Carmen, San Agustin, Romblon noong madaling araw ng February 24.
Aming naiulat na ang itinuturong suspek ay di umano ay nanutok ng baril sa halip na: di umano ay bumunot ng baril na base sa police report ng San Agustin Municipal Police Station.


































