Tampok sa ika-28 anibersaryo ng Technical Education and Skills Development Authority sa probinsya ng Romblon ang World Café of Opportunities, isang programa ng TESDA para makahanap ng trabaho ang mga graduate ng vocational-technical.
Nakiisa sa kanilang programa ngayong 2022 ang mga kompanyang naghahanap ng empleyado kagaya ng SMI Construction Services Inc., Du Ek Sam Inc., Sunwest Construction and Development Corporation, Generation One Resource Services and Multipurpose Cooperative, at Global Mode Manpower Services.
Batay sa datus ng ahensya, may aabot sa 86 na aplikante mula sa iba't ibang bayan sa Romblon ang tumungo sa Romblon National Institute of Technology sa Alcantara, Romblon para sa nasabing programa. May 5 namang hired-on-the-spot ng ilan sa mga nabanggit na kompanya.
Sa isang panayam, sinabi ni Engr. Amir Ampao ng TESDA Romblon, na inimbeta nila ang mga kompanya para magkaroon ng tiyansa ang mga graduate ng TESDA na magkatrabaho sa tulong ng World Café of Opportunities.
Sinabi rin ni Engr. Ampao na nationwide ang nasabing event kaalinsabay ng pagobserba ng National Tech-Voc Day at National TVET Enrollment Days na nagsisimula rin ngayong August 25.


































