Inaasahang makatutulong sa pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan sa pagkain ng mga pamilyang nangangailangan sa Santa Maria ang pamamahagi ng bigas na pinondohan ng ₱5 milyong Local Government Support Fund (LGSF) ng pambansang pamahalaan.
Ayon kay Santa Maria Mayor Lorelie Fabon, malaking tulong ang rice assistance sa mga residente, lalo na sa mga pamilyang limitado ang pagkakakitaan.
“Napakalaking bagay na kung saan ay may ganitong binibigay ang ating gobyerno kasi alam mo naman po dito sa bayan ng Santa Maria, marami pong mahirap na walang napapagkakitaan. Ito lang ang bagay na dagdag na makatawid sa kagutuman sa kanilang mga buhay,” ani Fabon.
Target ng programa ang 2,756 household sa bayan, na makatatanggap ng kabuuang 20 kilo ng bigas bawat isa. Sinabi ni Fabon na unang 10 kilo muna ang naipamahagi, habang inaasahang susundan ito ng karagdagang 10 kilo sa mga susunod na linggo.
“Ang maibibigay po natin is 20 kilo. Sa ngayon, sampung kilo pa lang po, tapos sa mga susunod na linggo siguro within this month, another 10 kilos po para maging 20 kilos po per household,” ani Fabon.
Nagpasalamat naman ang alkalde kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa paglalaan ng pondo na nagbigay-daan sa rice assistance program sa kanilang bayan.


























