Nagsimula na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng karagdagang ₱112 milyon na tulong-pinansyal para sa mga residente ng Romblon na naapektuhan ng Bagyong Opong noong huling bahagi ng Setyembre 2025.
Sa isang payout activity na ginanap sa bayan ng Odiongan nitong February 12, tinanggap ang tulong ng humigit-kumulang 661 na magsasaka at mangingisda. Sa kabuuan, inaasahang makikinabang ang 1,074 residente ng Odiongan sa pondong umaabot sa halos ₱7.68 milyon.
Pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda ni DSWD Undersecretary for Innovations and Program Development Group Edu Punay, kasama ang mga opisyal mula sa DSWD Field Office MIMAROPA.
Ayon kay DSWD Field Office MIMAROPA Regional Director Benchie Gonzales, bahagi ang payout na ito ng ikalawang tranche ng Emergency Cash Transfer (ECT) program para sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo.
“Ito po ’yung hindi natin naibigay noong nakaraang taon dahil, kung napansin ninyo, sunod-sunod ang mga bagyong dumaan sa ating rehiyon kaya nahirapan kaming maibigay ito on time. Kaya nagpapasensya po kami,” ani Gonzales.
Dagdag niya, ang ₱112 milyon na alokasyon ay para sa buong lalawigan ng Romblon bilang bahagi ng ikalawang tranche ng ECT program.
“Malaking tulong po ito para tayo ay agarang makabawi at makaangat mula sa sinagupa nating sakuna noong nagdaang Bagyong Opong,” dagdag niya.
Naunang naglabas ang ahensya ng humigit-kumulang ₱100 milyon sa unang tranche, na naipamahagi sa mga apektadong residente ilang linggo matapos dumaan ang bagyo sa lalawigan.
Sinabi ng mga opisyal ng DSWD na layunin ng ikalawang tranche na mas lalo pang suportahan ang mga pamilya habang patuloy silang nakabawi mula sa pinsalang dulot ng bagyo, lalo na sa kanilang kabuhayan at tirahan. Tiniyak din ng ahensya na patuloy silang makikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak na lahat ng kwalipikadong pamilya ay makatatanggap ng tulong.

































Discussion about this post