Naputol ang kanang paa ng isang lola matapos masangkot sa aksidente ang sinasakyan niyang motorsiklo sa kahabaan ng national road sa Barangay Tumingad, Odiongan, Romblon nitong hapon ng Enero 21.
Batay sa ulat ng pulisya, papunta sana ang lola at ang nagmamaneho ng motorsiklo sa barangay hall upang dumalo sa isang pagpupulong ng mga senior citizen nang mangyari ang insidente. Habang paliko na umano ang kanilang sinasakyan, bigla silang sinalpok ng isa pang motorsiklong nasa likuran.
Naipit sa kadena ng sinasakyang motorsiklo ang paa ng matanda dahilan para umano maputol ito.
Ayon sa paunang imbestigasyon, posibleng hindi napansin ng nakasalpok na rider ang pagliko ng motorsiklo sa unahan dahil sa mabilis nitong pagpapatakbo. Sa kuha ng CCTV na nakuha ng Romblon News Network, makikita na nagbigay ng hand signal ang driver ng motorsiklong sinasakyan ng lola bilang hudyat ng pagliko. Gayunman, hindi ito agad nakita ng rider sa likod dahil may isa pang motorsiklong nasa pagitan nila.
Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver ng motorsiklong sinasakyan ng lola, habang hindi naman nasugatan ang rider na nakabangga. Agad dinala ang mga biktima sa Romblon Provincial Hospital upang malapatan ng lunas.
Inihahanda na ng Odiongan Municipal Police Station ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Physical Injuries and Damage to Property laban sa rider na sangkot sa aksidente.





























