Unti-unti nang nababawasan ang mga stranded na pasaherong pauwi sa lalawigan ng Romblon matapos makalayag ang special trip ng Starhorse Shipping Lines at dalawang sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard nitong Disyembre 24 ng umaga.
Ayon sa update ni Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic, bago mag alas-8 ng umaga ay nakalayag na ang special trip ng Starhorse lulan ang mahigit 700 pasahero na patungo sa mga bayan ng Corcuera, San Agustin, Romblon, at Sibuyan.
Kasunod nito, bandang alas-7:30 ng umaga ay umalis din ang dalawang vessel ng Philippine Coast Guard na may sakay na 164 pasahero papuntang San Agustin.
Sinabi ng gobernador na patuloy pang tinataya ng Starhorse Shipping Lines kung kinakailangan ang isa pang special trip ngayong tanghali upang matugunan ang natitirang bilang ng mga pasahero.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang Montenegro Shipping Lines sa Philippine Ports Authority (PPA) at Maritime Industry Authority (MARINA) para sa posibleng pagdaragdag pa ng biyahe kung kakailanganin.
Samantala, ayon sa ulat mula sa Batangas Port, kaya na umanong ma-accommodate sa ngayon ang mga pasaherong nakapila sa pantalan.
Nauna nang nagkaroon ng matinding pagsisikip ng mga pasaherong pauwi sa Romblon bunsod ng holiday rush ngayong Pasko, dahilan upang magpatupad ng special trips at mag-deploy ng mga sasakyang pandagat ang pamahalaan upang masigurong makauuwi ang mga Romblomanon sa kani-kanilang mga pamilya.




































Discussion about this post