Ipinag-utos ng Department of Transportation (DOTr) sa Maritime Industry Authority (MARINA) ang agarang paglalagay ng karagdagang biyahe patungong Romblon upang matugunan ang problema ng mga stranded na pasahero sa Lucena Port sa Quezon, kasunod ng dagsa ng mga biyahero ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Ayon kay DOTr Secretary Giovanni Lopez, kumilos ang ahensya matapos makatanggap ng maraming reklamo mula sa mga pasaherong ilang araw nang naghihintay ng masasakyang barko papuntang Romblon. Aniya, malinaw na kulang ang mga barkong bumibiyahe sa naturang ruta kaya’t agad niyang ipinag-utos sa MARINA na magdagdag ng mga sasakyang pandagat.
Sinabi ni Lopez na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin na may sapat na transportasyon ang mga uuwi sa kani-kanilang probinsya ngayong Pasko. Binigyang-diin ng kalihim na hindi na bago ang holiday rush kaya dapat ay maaga pa lamang ay nakapaghanda na ang mga kinauukulang ahensya.
Dagdag pa ni Lopez, una nang hinimok ng Philippine Ports Authority (PPA) ang MARINA na magbigay ng pahintulot sa mas maraming barko na bumiyahe bilang paghahanda sa inaasahang pagdami ng pasahero. Gayunman, iginiit ng DOTr chief na kailangan pang imbestigahan kung bakit nagkulang pa rin ang mga biyahe sa kabila ng taunang karanasan sa ganitong sitwasyon.
Bilang karagdagang hakbang, inatasan din ni Lopez ang Philippine Coast Guard (PCG) na maghanda ng mga barkong maaaring magsagawa ng “Libreng Sakay” para sa mga stranded na pasahero kung kinakailangan. Kabilang sa mga inihahandang sasakyang pandagat ang BRP Gabriela Silang na may kakayahang magsakay ng maraming pasahero patungong Romblon.
Bukod dito, ide-deploy din ng PCG ang BRP Bagacay na magmumula sa Maynila at ang BRP Suluan mula sa Occidental Mindoro, na kapwa may kakayahang magsakay ng tig-100 pasahero bawat biyahe.
Samantala, ayon sa ilang pasaherong nakausap ng mga lokal na tagapagbalita, may ilan sa kanila na mahigit dalawang araw nang nasa Lucena Port ngunit hindi pa rin makasakay dahil sa kakulangan ng mga barko.
Tiniyak naman ng DOTr na patuloy nilang imo-monitor ang sitwasyon sa Lucena at iba pang pantalan upang masigurong makauuwi nang ligtas at maayos ang mga pasahero sa kanilang mga lalawigan, kabilang ang Romblon, bago sumapit ang Pasko.




































Discussion about this post