Pinaghahandaan na ng isla ng Sibale sa hilagang bahagi ng Romblon ang bagyong Fung-wong (international name), na tatawaging Uwan pagpasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR), na inaasahang lalakas pa at magiging super typhoon bago ang inaasahang landfall nito sa Northern Luzon.
Bagama’t malayo sa tinatahak na direksyon ng bagyo, sinabi ng PAGASA na maaari pa ring maging maulan sa lalawigan ng Romblon dahil sa malawak na kaulapang dala ng sama ng panahon.
Ayon kay Concepcion, Romblon Mayor Nicon Fameronag, maaga pa lamang ay nagtalaga na sila ng mga incident sub-managers para sa iba’t ibang sektor gaya ng safety, health, food security, emergency transport, at agriculture upang mas matutukan ang pangangailangan ng mga residente kung sakaling maapektuhan ang isla.
Naka-activate na rin ang Emergency Operations Center (EOC) ng bayan bilang bahagi ng paghahanda.
Matapos namang ibalik ang biyahe ng mga pampasaherong bangka mula Pinamalayan patungo sa Sibale nitong mga nakalipas na araw, matapos ang suspensyon ng biyahe dahil sa bagyong Tino, sinabi ni Fameronag na nakapag-imbak na ang mga tindahan at residente ng sapat na suplay.
Nag-stock na rin ang lokal na pamahalaan ng food items para maipamahagi kung sakaling kailanganin ang agarang ayuda.
Samantala, huling namataan nitong Biyernes ang bagyong Fung-wong, sa layong 1,315 km silangan ng Eastern Visayas. Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 km/h, taglay ang lakas na 100 km/h na hangin malapit sa gitna.




































Discussion about this post