Hiniling ng ilang senior citizens sa Odiongan, Romblon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na imbestigahan at pagpaliwanagin ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) ng naturang bayan kaugnay ng umano’y planong pagbabawas ng P400 sa P3,000 na pensyon ng mga benepisyaryo para sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre ngayong taon.
Ayon sa isang senior citizens na nakausap ng Romblon News Network, sa pagpupulong ng mga senior citizens sa kanilang Barangay ay ibinahagi ng OSCA ang planong pagkakaltas sa kanilang pensyon upang ipambayad sa sinisingil ng DSWD sa lokal na pamahalaan. Ito’y matapos makapag-release ng allowance sa ilang senior citizens na hindi dumaan sa validation ng DSWD noong una at ikalawang quarter ng taon.
Ang social pension mula sa DSWD ay nakalaan para matulungan ang mahihirap na senior citizens na may edad 60 pataas na walang regular na kita, pensyon, o sapat na suporta mula sa pamilya. Layunin nitong tugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, gamot, at iba pang gastusin na may kinalaman sa araw-araw na pamumuhay.
Kinumpirma ng ilang barangay official na dumalo sa magkahiwalay na pagpupulong sa Barangay Mayha noong Nobyembre 13 at sa Barangay Tuminggad noong Nobyembre 14 ang nasabing plano ng OSCA.
Ipinaliwanag umano ng mga kinatawan ng OSCA na P3,000 ang ilalagay sa payroll na pipirmahan ng mga benepisyaryo, katumbas ng P1,000 kada buwan, ngunit P2,600 lamang ang aktwal na matatanggap nilang pera sa sobre.
Ikinagulat umano ng mga dumalo ang anunsyo ngunit napilitan silang pumayag sa suhestiyon ng OSCA dahil sa pangamba na hindi na sila mabibigyan ng pensyon sa susunod na taon kung hindi maibabalik ang hinihinging halaga.
Mariin namang kinuwestiyon ng mga senior citizens kung bakit sila ang dapat managot sa umano’y pagkakamali ng OSCA, samantalang wala raw silang kinalaman sa mga naging transaksyon at ginawang listahan kung saan napasama ang mga hindi validated na beneficiaries. Hiling nila sa DSWD, ‘wag payagan ang lokal na pamahalaan lalo na ang OSCA na bawasan ang kanilang mga social pension.
Ayon sa mga source, nakatakdang i-release ang payout sa katapusan ng Nobyembre.
Wala pang pahayag ang Office of the Senior Citizens Affairs at ang DSWD MIMAROPA kaugnay sa nasabing isyu.




































Discussion about this post