Umalis sa kanyang opisina si Vice Mayor Joel Ibañez ng bayan ng San Andres, Romblon kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan matapos silang paalisin umano ni Mayor Fernald Rovillos sa session hall at opisina ng legislative department noong Lunes, dahil sa hindi pagkakaunawaan hinggil sa mga appointment sa munisipyo.
Nag-ugat ang sigalot matapos maantala ang concurrence ng Sangguniang Bayan sa appointment ng Municipal Budget Officer at Municipal Health Officer dahil umano sa kakulangan ng kaukulang dokumento.
Sa panayam ng Romblon News Network, ipinaliwanag ni Ibañez na hinahanap nila sa Human Resource Officer ng munisipyo ang mga dokumento na ipinasa ng dalawang appointed official para maipatupad nang maayos ang kanilang oversight power.
“Naghanap ng documents ‘yung mga SB, ‘yung documents na nasa checklists ng CSC, para matingnan nila kung may kulang at kung ano pa ang mga kailangan base na rin doon sa CSC rules na mga documents,” ayon kay Ibañez.
Hinahanap din umano nila ang endorsement letter ni Mayor Rovillos para sa dalawang appointed official, ngunit wala umanong ibinigay sa kanila ang HR officer ng bayan.
“Lumabas ‘yung HR [sa session hall] at maya-maya ‘yun parang hindi namin alam at [nalaman na lang namin] na nagalit daw si Mayor. Si Mayor mismo nagsabi sa amin na lumayas daw kami,” dagdag pa ni Ibañez.
Agad umanong tinapos ni Ibañez ang kanilang session at nag-impake. Tanong pa ng bise alkalde, bakit umano nadamay siya gayong presiding officer lamang siya.
Sa ngayon, naghahanap na umano sila ng mauupahang lugar para sa pansamantalang opisina at pinag-uusapan na rin kung saan magsasagawa ng session ang mga konsehal ng bayan, matapos lagyan ng mga stockpile ng family food packs mula sa DSWD ang opisina ni Ibañez at ang session hall ng Sangguniang Bayan.
Paliwanag ng Alkalde
Sa hiwalay na panayam, itinanggi ni Mayor Fernald Rovillos na “pinalayas” ang Bise Alkalde at mga konsehal. Giit niya, pinagbigyan lamang umano niya ang kagustuhan ng legislative department na maging “independent” sa kanilang operasyon.
“Hindi naman sa pinalayas,” ayon sa alkalde.
“Sabi ko, gusto niyo ng independent pala, ibig sabihin you are not part of this local government unit which I am the head. [Ang sagot], hindi daw Mayor kasi iba naman daw sila, legislative daw sila e, so fine. Anyway, kung gusto niyo ng independence, you need to have your own legislative office,” dagdag pa ni Rovillos.
Binigyang-diin din ni Rovillos na kailangan nang mapunan ang bakanteng posisyon sa Municipal Health Office at Budget Office, lalo na’t panahon na ng budget deliberation.
Aniya, matagal nang tumutulong ang pansamantalang MHO na walang suweldo kaya’t agad niyang in-appoint ito.
Ang problema kasi naghahanap ng mga papel, mga minor lang naman, katulad ng endorsement paper. Pero sabi ko, the mere fact na may signature ako, meron akong appointment, dumaan sa PSB, dumaan sa HR, diba? Kailangan pa ba ng endorsement?” dagdag pa niya.
“Anyway, once a week lang naman kayo nagtatrabaho for the session. Ay ang Mayor everyday, 24/7 kami, kayo once a week lang. So for the meantime, gagamitin ko muna ‘yung office, [lalagay] ‘yung mga nababasa na food packs,” ayon pa sa alkalde.
Epekto sa mga residente at serbisyo ng Bayan
Sa magkahiwalay na pahayag, sinabi ng dalawang opisyal na bukas naman umano sila sa reconciliation. Gayunpaman, nitong Martes, ayon sa dalawa, ay wala pang nagpaparamdam mula sa kabilang panig.
Dahil sa nangyari, nangangamba ang ilang residente ng San Andres sa posibleng epekto ng sigalot sa pagitan ng executive at legislative offices sa mga serbisyo ng lokal na pamahalaan, lalo na sa mga programang nangangailangan ng koordinasyon ng dalawang sangay.
Ipinahayag ng ilang konsehal na posibleng maantala ang pagpasa ng mga ordinansa at proyekto, kabilang ang mga pondo para sa rehabilitasyon at tulong sa mga nasalanta ng Bagyong Opong.
Umaasa naman ang mga residente na agad mareresolba ang gusot upang maibalik ang maayos na ugnayan sa pagitan ng mga opisyal at masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyo para sa mga taga-San Andres.
Discussion about this post