Pumangalawa si Filipino-American Super Grandmaster Wesley So sa katatapos na US Chess Championship 2025 na ginanap noong Oktubre 10–26, 2025 sa St. Louis Chess Club sa Missouri, USA. Nilahukan ang torneo ng 12 top players ng US Chess Federation, kabilang ang mga Super GM, GM, at IM, sa pamamagitan ng round-robin format kung saan nagharap-harap ang lahat ng kalahok.
Sa round 1, gamit ang white pieces, nagtapos sa draw ang laban ni So kontra Hans Niemann. Sa round 2, gamit ang black pieces, tinalo niya si Ray Robson. Sa round 3, gamit ang white pieces, natalo niya si Sam Shankland. Sa round 4, gamit ang black pieces, nagtapos sa draw ang laban kontra Abhimanyu Mishra. Sa round 5, gamit ang white pieces, nagtabla sila ni Levon Aronian. Sa round 6, gamit ang black pieces, nagtabla rin sila ni Fabiano Caruana.
Pagsapit ng round 7, gamit ang white pieces, tinalo niya si Andy Woodward, habang sa round 8 ay nagtabla siya kay Awonder Liang. Sa round 9, gamit ang white pieces, nagtabla ulit siya kay Sam Sevian, sa round 10, gamit ang black pieces, tinalo niya si Dariusz Swiercz, at sa final round, gamit ang white pieces, nagtapos sa draw ang laban niya kay Grigoriy Oparin.
Pagkatapos ng 11 rounds, nagtapos si Wesley So na may 7.5 puntos, sapat upang makuha ang ikalawang puwesto at premyong $43,000 (humigit-kumulang ₱2.5 milyon). Itinanghal na kampeon si Fabiano Caruana na may 8 puntos at nagwagi ng $67,000, habang si Levon Aronian naman ang ikatlong puwesto na may 6.5 puntos at premyong $35,000.
Ang 32-anyos na si Wesley So, tubong Bacoor, Cavite, ay dating kasapi ng Philippine Chess Federation, ngunit lumipat sa US Chess Federation noong 2014 upang makasali sa mas malalaking internasyonal na torneo. Noong Marso 2017, naabot ni So ang rurok ng kanyang chess career nang maging World No. 2 sa FIDE Rankings na may 2822 Elo Rating. Sa kasalukuyan (Oktubre 2025), siya ay nasa No. 8 na may 2756 Elo Rating.
Samantala, sa Women’s Division, itinanghal na kampeon si International Master (IM) Carissa Yip na may 8 puntos at premyong $45,000. Pumangalawa si IM Anna Sargsyan na may 7.5 puntos at premyong $30,000, habang pumangatlo si Grandmaster Irina Krush na tumanggap ng $20,000.




































 
                
Discussion about this post