Magandang balita ang hatid ng Sta. Fe Chess Knights sa mga manlalaro ng chess sa bayan ng Sta. Fe, Romblon dahil sisimulan na ang kanilang monthly chess tournament ngayong Oktubre 25, 2025. Ang nasabing paligsahan ay gaganapin sa Magsaysay Elementary School Mini Covered Court at eksklusibo para sa mga residente ng Sta. Fe.
Sa nasabing torneo, ang kampeon ay nag-uwi ng ₱3,000 at medalya, habang ang ikalawang puwesto ay tumanggap ng ₱2,000 at medalya. Ang ikatlong puwesto naman ay nagkamit ng ₱1,000 at medalya, at ang mga ikalima hanggang ikawalong puwesto ay nakatanggap ng ₱200 at medalya. Libre ang rehistrasyon para sa lahat ng lumahok.
Ayon kay Coach Noe Ramon ng Sta. Fe Chess Knights, layunin ng kanilang grupo na paigtingin ang interes sa chess sa lokal na antas sa pamamagitan ng regular na torneo. Ang lahat ng laro ay local rated, upang lalo pang mahikayat ang mga kabataan na paghusayin ang kanilang kakayahan sa larangan ng chess.
Isa sa pangunahing layunin ng Sta. Fe Chess Knights ay ang makadiskubre ng mga bagong talento at mahuhusay na batang manlalaro na maaaring maging susunod na chess masters ng probinsya. Bagamat eksklusibo muna para sa mga taga-Sta. Fe ang torneo, nakatakda itong maging open tournament para sa lahat ng manlalaro mula sa buong Romblon sa mga susunod na buwan.
Plano rin ng grupo na makipag-ugnayan sa iba pang mga bayan tulad ng Odiongan at Ferrol upang makapagsagawa ng mas malalaking torneo sa hinaharap. Bukod dito, isa rin sa kanilang hangarin ang mag-train at makapag-produce ng mga FIDE Arbiters mula sa Romblon.
Kabilang sa mga kilalang chess players mula sa Romblon na nakilala sa pambansa at internasyonal na kompetisyon ay sina Dr. Jenny Mayor (unang National Master ng probinsya), Joseph Galindo (Arena Grandmaster), ang magkapatid na Jasper Faeldonia (NM) at Jerrick Faeldonia (AIM) na parehong varsity players, at si Jemaicah Yap Mendoza, ang unang Woman FIDE Master (WFM) mula sa Romblon.
Discussion about this post