Nag-anunsyo ang Social Security System (SSS) at ang Government Service Insurance System (GSIS) ng pagbubukas ng mga loan program para sa mga miyembro at pensioners sa lalawigan ng Romblon na naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Opong.
Ayon sa SSS, maaaring mag-apply ng Calamity Loan ang mga miyembro simula Oktubre 2, 2025, bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Finance Secretary at SSC Chairperson Ralph Recto.
Layunin ng programa na agad na makapagbigay ng tulong pinansyal sa mga miyembrong nasalanta ng bagyo. Sa ilalim ng bagong guidelines, may pinababang interes na 7% kada taon at maaaring makautang ng hanggang ₱20,000, depende sa kontribusyon. Ang mga aplikasyon ay isasagawa online sa My.SSS portal, at ang loan proceeds ay direktang ide-deposito sa kanilang bank account.
Kabilang sa mga pangunahing kwalipikasyon ang pagkakaroon ng hindi bababa sa 36 buwan na kontribusyon, aktibong My.SSS account, at paninirahan o pagtatrabaho sa mga lugar na isinailalim sa State of Calamity, kabilang ang buong lalawigan ng Romblon.
Samantala, inanunsyo rin ng GSIS na magbubukas ito ng Emergency Loan Program para sa mga miyembro at pensioners na nakatira o nagtatrabaho sa Romblon.
Sa ilalim ng programa, maaaring mangutang ng hanggang ₱40,000 ang mga may kasalukuyang emergency loan, habang ₱20,000 naman para sa mga wala pang utang. Ang loan ay babayaran sa loob ng 36 buwan na may 6% interes kada taon, at magsisimula ang unang hulog matapos ang tatlong buwan.
Ayon sa GSIS, ang loan proceeds ay ididirekta sa ATM card ng borrower upang matiyak ang mabilis at ligtas na paglabas ng pondo. Maaaring mag-apply ang mga miyembro sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile app, Wireless Automated Processing System (GWAPS) kiosks, o GSIS e-service portals.
Ang mga hakbang ng SSS at GSIS ay bahagi ng malawakang inisyatiba ng pamahalaan upang tulungan ang mga mamamayan ng Romblon na muling makabangon mula sa pinsalang iniwan ng Bagyong Opong, na nagdulot ng pagkasira sa mga kabahayan, imprastruktura, at kabuhayan sa buong lalawigan.
Discussion about this post