Mas napalapit na sa mga residente ng bayan ng Concepcion sa Sibale Island, Romblon ang mga pangunahing serbisyo ng Department of Trade and Industry (DTI) matapos pormal na buksan ang bagong Negosyo Center sa bayan.
Pinangunahan ang inagurasyon ng nasabing pasilidad nina Concepcion Mayor Nicon Fameronag, Vice Mayor Limuel Cipriano, DTI MIMAROPA Regional Director Amormio Benter, at DTI Romblon Provincial Director Orville Mallorca, kasama ang mga kawani ng lokal na pamahalaan at mga negosyante mula sa bayan.
Layunin ng Negosyo Center na tulungan ang mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) sa proseso ng pagrehistro ng negosyo, pagkuha ng business advisory services, at pag-access sa mga programa ng gobyerno na makatutulong sa pagpapalago ng kanilang kabuhayan.
Sa naturang programa, nilagdaan din ng DTI at LGU Concepcion ang Memorandum of Agreement (MOA) upang pormalin ang kanilang partnership sa pagpapatakbo ng bagong bukas na Negosyo Center.
Ayon kay DTI MIMAROPA Regional Director Amormio Benter, malaking hakbang ito sa pagpapalawak ng serbisyo ng DTI sa mga isla ng Romblon, lalo’t dati ay hanggang provincial offices lamang ang direktang presensya ng ahensya.
Binigyang-diin naman ni Mayor Nicon Fameronag na pangangalagaan ng lokal na pamahalaan ang pasilidad upang matiyak na mapapakinabangan ito ng mga mamamayan, lalo na ng mga maliliit na negosyante at mamimili sa kanilang bayan.
Ang bagong Negosyo Center sa Concepcion ay ang ika-13 sa lalawigan ng Romblon, na bahagi ng patuloy na programa ng DTI na gawing mas accessible ang mga serbisyo nito sa bawat munisipalidad sa bansa.




































Discussion about this post