Nangako si Senator Erwin Tulfo na tututukan ang lalawigan ng Romblon sa mga susunod na taon, kabilang ang pagbibigay ng tig-₱3 milyon sa bawat bayan para sa Assistance for Individuals in Crisis Situation (AICS) program, livelihood assistance sa mga walang hanapbuhay.
Binisita ni Senator Tulfo ang bayan ng Romblon, Romblon ngayong araw upang personal na alamin ang kalagayan ng probinsya at matukoy ang mga proyektong maaari niyang maitulong.
“I promise from now on, tututukan ko at bibigyan ko ng pansin itong MIMAROPA dahil lagi itong napag-iiwanan, so never again,” pahayag ni Tulfo.
Ayon pa sa senador, kabilang sa mga unang proyektong kaniyang popondohan ay ang pagpapatayo ng legislative building ng Sangguniang Panlalawigan ng Romblon, alinsunod sa kahilingan ni Governor Trina Firmalo.
“Uunahin ko po muna ang legislative building ninyo. Ang mga walang ospital, papalagyan po natin, aayusin po natin,” dagdag pa ni Tulfo.
Bukod sa AICS, inanunsiyo rin ng senador na maglalaan siya ng sustainable livelihood program na nagkakahalaga ng ₱15,000 para sa bawat pamilyang walang hanapbuhay sa lalawigan.
Nagpasalamat naman si Governor Fabic sa senador sa ipinangako nitong tulong at suporta sa mga mamamayan ng Romblon.
Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, tiniyak ni Tulfo sa mga Romblomanon na may kakampi sila sa Senado.




































Discussion about this post