Opisyal nang kabilang ang lalawigan ng Romblon sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program ng Department of Agriculture (DA), matapos ipamahagi ng ahensya ang ₱20.9 milyong halaga ng mga makinaryang pansakahan sa iba’t ibang samahan ng mga magsasaka sa lalawigan nitong Biyernes.
Ang pamamahagi ng mga kagamitan ay bahagi ng kabuuang ₱69 milyon na tulong na ipinagkaloob ng DA MIMAROPA at ibang sangay na ahensya nito para sa mga magsasaka ng Romblon.
Ayon kay Dr. Dionisio Alvindia, Director ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization, anim na four-wheel drive tractors at apat na combine harvesters ang ipinagkaloob sa mga samahan ng magsasaka sa Romblon bilang bahagi ng unang batch ng implementasyon sa lalawigan.
“Ang mga makinaryang ito ay malaki ang maitutulong para mabawasan ang gastusin ng ating mga magsasaka. Makakatulong ito mula sa land preparation hanggang sa pag-ani ng kanilang mga pananim,” paliwanag ni Alvindia.
Isa ang Romblon sa 20 rice-producing provinces na idinagdag bilang benepisyaryo ng programa para sa ikalawang yugto na sinimulan ngayong 2025.
Kabilang sa mga nakatanggap ng tulong ang mga samahang Agmanic Farmers Association, Ilawod Rice Farmers Association, Madalag Irrigators Farmers Association, Inc., Limon Sur Irrigators Association, Taboboan Farmers Association, San Andres Romblon Farmers Association, Tanagan-Mabini Rice Farmers Cluster Association, at Anahao Farmers Association.
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga benepisyaryo sa programang ipinagkaloob ng DA. Ayon kay Nilo Arteza, Pangulo ng Agmanic Farmers Association, malaking tulong ito sa kanilang operasyon.
“Kami ay nagpapasalamat sa PhilMech at Department of Agriculture dahil sa programang ito. Naniniwala ako na makatutulong ito sa aming mga magsasaka upang umunlad ang aming ani sa pamamagitan ng paggamit ng mga makinarya,” ayon kay Arteza.
Ibinahagi naman ni Eduardo Diokno Jr., Presidente ng Anahao Farmers Association, na malaki ang magiging epekto ng programa sa kanilang hanapbuhay.
“Lubos kaming nagpapasalamat sa ating mahal na Pangulo at kay Secretary Laurel dahil nabigyan kami ng mga ganitong makinarya. Malaking tulong ito dahil hindi na namin kailangang manghiram sa ibang samahan o pribadong indibidwal kapag mag-aararo ng aming mga palayan,” pahayag ni Diokno.
Ayon pa kay Diokno, dati ay kailangan pang maghintay ng kanilang 130 miyembro para mapahiram ng traktora mula sa ibang grupo, ngunit ngayon ay mas mapapabilis na ang kanilang pagsasaka.
Nagpasalamat din si Niel Yap ng Tanagan-Mabini Rice Farmers Cluster Association sa tulong ng pamahalaan.
“Maraming salamat sa DA MIMAROPA, sa aming MAO Office, kay Secretary Kiko Laurel, at siyempre kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Malaking tulong po ito sa aming pagsasaka,” ani Yap.
Dagdag pa ni Yap, ang pagkakaroon ng sariling makinarya ay magpapababa sa kanilang gastos sa land preparation at magpapabilis sa produksiyon ng palay sa kanilang lugar.
Sa pamamagitan ng RCEF Mechanization Program, inaasahang mas mapapataas ng DA ang ani at kita ng mga magsasaka sa Romblon, at mas mapapalakas ang produksyon ng palay sa buong MIMAROPA region.




































