Nabigo sa kanyang comeback fight si John Riel “Quadro Alas” Casimero, 36-anyos na dating tatlong beses na world champion, matapos matalo sa pamamagitan ng unanimous decision laban sa 29-anyos na Japanese fighter na si Kyonosuke Kameda sa kanilang 10-round non-title bout na ginanap sa Bishkek Arena, Kyrgyzstan noong Oktubre 25, 2025.
Nagharap ang dalawa sa 127 lbs catchweight, kung saan umaasa ang kampo ni Casimero na maagang matatapos ang laban dahil sa kanyang kilalang power punching style. Ngunit tila napag-aralan ni Kameda ang istilo ng Pinoy at ginamit ang “hit-and-run” strategy, iwas sa sagupaan at pabor sa bilis at diskarte.
Sa unang round pa lamang, agad na umatake si Casimero at nagpakawala ng mabibigat na suntok, subalit mabilis na nakakasagot si Kameda ng mga counter punches. Pagsapit ng ikalawang round, nanatiling agresibo si Casimero, ngunit mas marami at mas malilinis ang patamang suntok ni Kameda. Sa buong laban, ginamit ng Hapon ang buong lawak ng ring upang pagurin si Casimero na makikitang flat-footed at hirap sa footwork dahil sa bigat ng timbang.
Pagsapit ng huling bahagi ng laban, nagawa pang mapadugo ni Kameda ang kilay ni Casimero, dahilan upang lalong ma-frustrate ang Pinoy boxer. Nagtapos ang laban sa ika-10 round kung saan malinaw na lamang si Kameda sa puntos.
Dahil sa pagkatalo, tila lumabo ang tsansa ni Casimero na makabalik sa world title picture, lalo na sa matagal na niyang inaasam na laban kontra kay Naoya “The Monster” Inoue, ang kasalukuyang Japanese undisputed champion. Gayunman, umaasa pa rin ang kanyang kampo na mabibigyan siya ng pagkakataong makaharap ang mga nasa top 10 contenders upang muling makapagbukas ng pinto para sa world title shot.
Si Casimero ay dating Light Flyweight, Flyweight, at Bantamweight World Champion, ngunit dahil sa ilang kontrobersiya at disciplinary suspension, unti-unti siyang naisantabi sa eksena. Ang kanyang pagbabalik ngayong taon ay nauwi sa kabiguan matapos mapatumba ng diskarte at bilis ni Kameda.
Sa kasalukuyan, hawak ni Casimero ang rekord na 34 wins at 5 losses, samantalang si Kameda ay may 16 wins at 5 losses, matapos ang laban kay David Picasso noong Hulyo bilang undercard ng world title bout nina Manny Pacquiao at Mario Barrios, kung saan siya ay natalo.




































 
                
Discussion about this post