Pumalo na sa pito (7) ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng Bagyong Ramil sa bansa, batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Kabilang sa mga nasawi ang limang indibidwal sa Quezon Province matapos mabagsakan ng malaking puno ang kanilang tahanan sa kasagsagan ng bagyo. Dalawa pa ang napaulat na namatay sa Western Visayas, ayon sa pinakabagong datos na natanggap ng ahensya.
Sa kasalukuyan, patuloy pang bineberipika ng NDRRMC ang mga nasabing bilang habang nagpapatuloy ang pagtanggap ng karagdagang ulat mula sa mga lokal na tanggapan sa mga rehiyong apektado ng bagyo.
Bukod sa mga nasawi, isa ang naiulat na sugatan, habang dalawa naman ang kasalukuyang nawawala.
Aabot naman sa 38,000 pamilya o katumbas ng mahigit 133,000 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo sa iba’t ibang rehiyon sa Luzon at Visayas.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga ahensya ng pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan para sa relief operations at pag-asiste sa mga naapektuhan, habang nananatiling nakaalerto ang mga disaster response units sa mga posibleng epekto ng bagyong Ramil.
Discussion about this post