Nagbahagi ng tulong ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Romblon, katuwang ang Pines Estate Gaming Corporation, sa mga batang residente ng Bahay Kanlungan ng Ruel Foundation sa bayan ng Odiongan bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Day of Charity ngayong October 30.
Namahagi ng grocery items ang grupo upang makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga bata at maipadama ang malasakit ng pamahalaan sa kanila.
Ayon kay PCSO Romblon Branch Head Kristy Fetalver, ang aktibidad ay alinsunod sa proklamasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na naglalayong hikayatin ang mga institusyon at mamamayan na magpakita ng kabutihan at pagtulong sa kapwa.
“Nais kong ipahayag ang aking taos-pusong pasasalamat sa lahat ng patuloy na tumatangkilik at sumusuporta sa mga produkto ng PCSO. Nagpapasalamat din kami sa aming mga partners at stakeholders na aming katuwang sa pagbibigay serbisyo. Asahan n’yo po ang aming patuloy at walang sawang pagtulong,” pahayag ni Fetalver.
Nagbigay din ng tulong pinansyal si Noel Corpuz ng Pines Estate Gaming Corporation sa isang batang nangangailangan ng occupational therapy.

Samantala, bilang pagpapatuloy ng pagdiriwang ng National Day of Charity, namahagi rin ng Nephro Can milk (high protein) at meals para sa mga dialysis patients sa Romblon Provincial Hospital.
Layunin ng aktibidad na magbigay ng karagdagang nutrisyon at suporta sa mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis treatment. Nagkaloob din si Corpuz ng tulong pinansyal sa ilang pasyente upang maibsan ang kanilang gastusin sa gamutan.
Ayon kay Fetalver, ang mga gawaing ito ay patunay ng patuloy na serbisyo at malasakit ng PCSO sa mga Romblomanon, at bahagi ng kanilang layunin na maipadama ang kabutihang dulot ng bawat tiket na binibili ng mamamayan.




































Discussion about this post