Halos 150 tricycle at van drivers sa bayan ng Odiongan ang sumailalim sa surprise drug testing na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)–MIMAROPA ngayong Huwebes, October 30, sa ilalim ng “Oplan Harabas” program.
Layunin ng operasyon na tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero, partikular ngayong inaasahan ang pagdagsa ng mga biyahero sa Undas. Katuwang ng PDEA sa aktibidad ang Land Transportation Office (LTO), Philippine Army, PNP Highway Patrol Group, Department of Health, Philippine Ports Authority (PPA), at ang lokal na pamahalaan ng Odiongan.
Ayon kay PDEA MIMAROPA Regional Director Maharani Gadaoni-Tosoc, ang programang Oplan Harabas ay isang preventive measure upang matiyak na ligtas ang mga pasahero laban sa mga tsuper na maaaring gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
“May posibilidad na may mga drivers na gumagamit ng iligal na droga. Just to make sure na ang ating riding public ay ligtas,” ani Tosoc.
Dagdag pa niya, ang isinagawang drug test sa Romblon at Marinduque ay bahagi ng huling yugto ng sabayang operasyon sa buong rehiyon. Nauna nang may mga nagpositibo sa drug test sa mga lalawigan ng Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, at Palawan.
Paliwanag ni Tosoc, kung sakaling may magpositibo sa confirmatory test, tutulungan umano ang mga ito na makapagbagong buhay sa tulong ng rehabilitation at intervention programs ng pamahalaan.
Ipinahayag naman ni Odiongan Vice Mayor Michael Arevalo ang suporta ng lokal na pamahalaan sa inisyatiba ng PDEA.
“Napapanahon ang ganitong klaseng test. Makakaasa ang PDEA na makikipagtulungan kami upang maging regular ang ganitong surprise drug testing sa bayan,” ani Arevalo.
Ang Oplan Harabas ay isa sa mga pangunahing programa ng PDEA na layong panatilihin ang disiplina at kaligtasan sa sektor ng pampublikong transportasyon sa buong bansa.




































Discussion about this post